Paghahain ng COC at CONA ng mga kakandidato sa 2022 national election, magsisimula na ngayong araw!

Kasado na ngayong araw ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COA) at Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) na magaganap sa Garden tent sa Sofitel Hotel sa Pasay City.

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), handa na sila mula sa seguridad hanggang sa pagpapatupad ng health protocols para sa unang araw ng paghahain ng kandidatura ng mga balak tumakbo para sa 2022 national election.

Nasa 3,000 tauhan ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fire Protection (BFP) ang ipapakalat para masigurong masusunod ang anti-COVID protocols sa lugar.


Itinalaga na rin ang no-fly zone at no-fishing zone ang isang kilometro paikot ng lugar na nagsimula kaninang alas-12 ng gabi at magtatagal hanggang pagtatapos ng COA filing sa October 8.

Samantala, tutulong din ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagmamando ng trapiko sa paligid ng hotel.

Matatandaang sa paghahain ng COC at CONA, maaaring magsama hanggang sa tatlong tagasuporta ang mga aspirants sa pagkapresidente, dalawa sa pagkabise-presidente at isang tao para sa pagka-senador.

Kapag naman naghain ng COC sina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice-President Leni Robredo ay tatlo lang din ang maaari nilang isama sa filing.

Pero paglilinaw ng Comelec ay hindi sakop ng limitasyon ang Presidential Security Group (PSG) at security detail nila na tutulong sa seguridad ng tent.

Sa ngayon, dahil nasa Alert Level 4 pa ang National Capital Region (NCR) ay mahigpit na ipinagbabawal ang mga kilos-protesta.

Facebook Comments