Iginiit ni Cagayan De Oro City 2nd District Representative Rufus Rodriguez sa Department of Foreign Affairs (DFA) na maghain ng diplomatic protest laban sa China.
Kaugnay ito sa napaulat na presensya ng dalawang Chinese research vessels sa Benham o Philippine Rise na mayaman sa marine at mineral resources at pinaniniwalang sagana rin sa natural gas deposits.
Para kay Rodriguez, dapat i-protesta sa Beijing ang nakakabahalang “intrusion” o pagpasok ng Chinese survey ships sa ating exclusive economic zone nang walang pahintulot.
Ayon kay Rodriguez, halata naman na gusto tayong unahan ng China sa pag-survey at pag-explore ng yaman ng dagat at seabed sa Philippine Rise na isang mahalagang fishing ground at marine biodiversity hotspot.
Bunsod nito ay umapela si Rodrigez kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipaabot sa mga kaalyadong bansa ang ginagawang panghihimasok ng China sa ating teritoryo.
Pinuri naman ni Rodriguez si Pangulong Marcos, matapos nito ipaalam sa Australian parliament ang nakakaalarmang aksyon ng China sa West Philippine Sea katulad ng deployment ng Navy boats.