Pinag-aaralan na ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagsasampa ng kaso kay dating PCSO General Manager Royina Garma matapos nitong kaladkarin ang kaniyang pangalan sa “war on drugs” ng dating administrasyong Duterte.
Kung matatandaan inihayag ni Garma sa pagdinig ng quad committee hearing ng Kamara na kasama ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa nagplano ng nationwide campaign sa paglaban kontra iligal na droga si Go at sa pagpapatupad ng reward system sa mga pulis na makakatimbog sa mga sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay Go, kung kakailanganin ay magsasampa siya ng asunto laban kay Garma at ito ay kasalukuyan nang inaaral ng kaniyang legal team.
Samantala, handa naman ang mambabatas na maghain ng resolusyon para magsagawa ng parallel investigation ang Senado sa “war on drugs” ng nakaraang administrasyong Duterte kasama na ang mga claims o mga pahayag ni Garma laban sa kaniya.
Muli namang iginiit ni Go na wala siyang anumang kinalaman sa operasyon ng “war on drugs” at hindi aniya ito sakop ng kaniyang mandato noon bilang Special Assistant to the President (SAP) ni Duterte.