Tila nagiging “death warrants” na ngayon ang search warrants na inihahain ng mga pulis sa mga aktibistang inaakusahan na terorista.
Ito ang sinabi ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate sa interview ng RMN Manila matapos ang sunod-sunod na pag-aresto at pagpaslang sa mga aktibista sa Calabarzon noong nakaraang linggo na tinawag na “Bloody Sunday”.
Ayon kay Zarate, maihahalintulad ang pagtugis sa mga aktibista ngayon sa “Oplan Tokhang” ng gobyerno dahil may mga namamatay kapag nagsasagawa sila ng pag-aresto.
Sa interview din ng RMN Manila, sumang-ayon si Atty. Neri Colmenares na dating kinatawan ng Bayan-Muna kung saan maraming pagkakataon din aniya na kahit natutulog ang mga target sa Oplan Tokhang ay binabaril na lamang ang mga ito.
Samantala, ibinigay na sa pamilya ang mga labi ng mga nasawing aktibista limang araw matapos ang insidente.
Matatandaang sa tinaguriang “Bloody Sunday” ay 9 ang nasawi sa raid habang ilan pang aktibista ang inaresto.