Hindi nababahala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa paghahain ni Senator Manny Pacquiao ng resolusyon para imbestigahan ang umano’y kwestyunableng disbursement ng ₱10.4 billion na halaga ng pondo sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, handa nilang harapin ang anumang imbestigasyon para linawin ang mga alegasyon ni Pacquiao.
Muling iginiit ni Dumlao na walang “nawawalang pondo.”
Matatandaang naghain si Pacquiao ng Senate Resolution No. 779, kung saan pinaalalahanan ang pamahalaan na magsilbi sa publiko ng tapat at may integridad, na nakamandato sa ilalim ng Article 2, Section 27 ng 1987 Constitution.
Nakasaad sa resolusyon, pinuna ng senador ang paggamit ng pamahalaan sa e-wallet na Starpay para sa second tranche ng SAP.