Paghahakot ng tao sa mga rally, hindi nangangahulugan na solid ang pagsuporta

Naniniwala si Presidential aspirant Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na ang malalaking rally na ino-organisa ng ibang kandidato ay hindi nangangahulugan ng solid na pagsuporta, bagkus, ito aniya ay maaaring kagagawan lamang ng organizers na naatasan na maghakot ng mga dadalo sa kanilang rally.

Ang naturang pahayag ay ginawa ni Lacson matapos niyang malaman mula sa isa sa kanyang local support leaders sa Rizal na nilapitan ng isang “hakot” operator.

Ayon kay Lacson, ito rin marahil ang nangyayari sa mga rally ng ibang kandidato kung saan pare-parehong grupo ng tao lamang ang dumadalo na hakot ng mga naturang organizers.


Base sa impormasyon na nakalap ni Lacson, sinabi ng isa sa kanyang supporter na may kumausap sa kanya na isang organizer na nagsabi na kailangan niyang magbayad ng ₱500 sa kada indibidwal na mahahakot nila sa rally.

Ngunit sinabihan ng supporter ni Lacson ang organizer na hindi sila interesado rito dahil mas nakatuon sina Lacson at ang ka-tandem nito na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa pakikipag-dayalogo at pag-oorganisa ng town hall meetings.

Binigyang diin naman muli ni Lacson na ipagpapatuloy nila ni Sotto ang pag-oorganisa ng town hall meetings at dayalogo para malaman ang mga isyu na dapat tugunan mula mismo sa mga tao.

Facebook Comments