PAGHAHANAP SA BANGKAY NG 13-ANYOS NA LALAKI, NAGPAPATULOY

CAUAYAN CITY – Patuloy ang isinasagawang search and retrieval operation ng mga otoridad para sa nawawalang menor de edad na hinihinalang nalunod sa whirlpool area ng Barangay Hucab, Kiangan, Ifugao.

Kinilala ang biktima na si Christen Banguid, 13 taong gulang, residente ng naturang lugar.

Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) Anne Grace Dumangeng, naglalaro si Christen kasama ang kanyang mga kaibigan noong Sabado, Abril 5, nang tumalon ito sa whirlpool area.


Dahil sa lakas ng agos ng tubig, nahirapan siyang makakilos at lumutang.

Napansin ng kanyang mga kasamahan na may kakaiba sa kalagayan ni Christen kaya’t isa sa kanila ang tumalon upang subukang iligtas siya.

Gayunman, nabigo itong mahanap ang biktima.

Agad silang humingi ng tulong sa mga otoridad, na kaagad namang nagsagawa ng search and rescue operation.

Sa ngayon, inaasahang mas maraming divers mula sa iba’t ibang ahensya ang ipapakalat upang ipagpatuloy ang paghahanap sa katawan ni Christen.

Facebook Comments