Pinakikilos na ni MGen. Filemon Santos Jr, hepe ng EASTMINCOM o Eastern Mindanao Command ang lahat ng Military Units sa buong lalawigan ng Agusan del Norte.
Ito’y para tulungan ang PDRRMO o Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Agusan del Norte sa paghahanap sa 3 pang Minero na natabunan ng landslide sa
Mt. Manhupao sa Barangay Bangonay, Bayan ng Jabonga sa nasabing lalawigan noong ika-20 ng Enero.
Ayon kay Col. Ezra Balagtey, tagapagsalita ng EASTMINCOM, pinatitiyatk ni MGen. Santos sa mga Military Units nito na ibigay ang lahat nilang makakaya para sa search and retrival at iba pang humanitarian assistance nang hindi aniya nakokompormiso ang kaligtasan naman ng mga sundalo.
Batay sa ulat ng 402nd Infantry Brigade ng Army, nasawi ang mga minero na kinilalang sina Casiano Iligan, Rene Iligan, Ramil Iligan at Tata Salahay nang matabunan ng gumuhong lupa bunsod ng walang patid na pag ulan sa lugar.
Patuloy namang pinaghahanap ang 3 iba pa na kinilalang sina Rex Penig mula sa brgy. Hinayupan, Jay-ay Matanog ng San Miguel, Surigao del Sur at isang nakilala lamang sa tawag na Gang-gang ng Sibagat,Agusan del Sur.
Habang patuloy namang nilalapatan ng lunas ang nakaligtas na minerong si Alan Iligan na agad dinala sa Agusan del Norte Provincial Hospital.