Kinalampag ni Palawan Rep. Franz Alvarez ang Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na paigtingin pa ang paghahanap sa 14 na nawawalang mangingisda matapos na mabangga ang kanilang bangka ng Hong Kong cargo vessel sa karagatan ng Occidental Mindoro.
Hiniling din nito sa Department of Foreign Affairs (DFA) na makipag-ugnayan sa mga otoridad sa Hong Kong para matulungan ang mga pamilya ng 14 na mangingisda.
Hinimok din ng kongresista ang mga residente na malapit sa pinangyarihan ng banggaan na tumulong sa paghahanap at bigyan ng pansamantalang matutuluyan ang posibleng survivors na mapapadpad sa kanilang lugar.
Iginiit ni Alvarez na kailangang panagutin ang mga tripulante ng Hong Kong cargo vessel sa nangyaring banggaan lalo’t lumalabas na hindi tinulungan ng mga ito ang mga mangingisdang Pinoy.
Napag-alamang galing Subic ang MV Vienna Wood na patungong Australia nang mabangga ang Liberty 5 na patungo naman sa Navotas Fish Port.