Ipinagpatuloy ng Camalig Search and Rescue Team ang paghahanap sa nawawalang Cessna 340A – RP C2080 ngayong araw.
Alas-5:00 ng umaga kanina nang muling suyurin ng mga rescuer ang Barangay Quirangay at Anoling.
Una nang pinuntahan ng mga responder ang Barangay Quirangay matapos na may mapaulat na sightings ng nawawalang aircraft kung saan narinig din ang isang malakas na pagsabog.
Samantala, ayon kay Camalig Mayor Caloy Baldo, apat na grupo ang nagtutulong-tulong ngayon sa paghahanap sa Cessna plane na binubuo ng mga tauhan mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Energy Development Corporation kung saan sinasabing konektado ang mga sakay sa eroplano.
Bukod sa 218 tauhan ng search and rescue team, nagdeploy na rin ng 34 na sasakyan, 11 drones at apat na KS9 dogs upang mapadali ang paghahanap sa Cessna plane.