Ipinasisiyasat ni Senator Christopher “Bong” Go sa Senado ang mga paghahanda at suportang ibinigay ng pamahalaan sa mga atleta ng bansa na lumaban para sa 2024 Paris Olympics.
Nais ng senador na paghusayin at paigtingin pa ang suporta ng pamahalaan sa mga Pinoy Olympians matapos ang nag-viral sa social media na kaso ng golf team Philippines na walang opisyal na uniporme.
Plano ni Go na paimbestigahan sa Senate Committee on Sports na kanyang pinamumunuan ang kasong ito pagkatapos ng Paris Olympics kung saan magsasagawa na rin ng post-evaluation upang maiwasan ang mga ganitong kakulangan para sa ating mga atleta.
Paglilinaw ni Go, layunin ng naturang inisyatiba na higit pang paghusayin ang paghahanda at suporta para sa mga atletang Pinoy na nakikipagkumpitensya hindi lamang sa Olympics, kundi maging sa iba pang international competitions.
Giit pa ng mambabatas, dapat magkaroon na rin ng concerted effort o pagkakaisang pagkilos sa gobyerno at mga stakeholder upang mas mapalakas ang sports at mabigyan ng sapat na suporta ang mga atleta.