Maaga pa lamang, pormal nang ilulunsad sa Lunes ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kanilang kampanya na Oplan Paalala: Iwas Paputok 2018 sa Bocaue, Bulacan.
Kabahagi sa gagawing aktibidad sa bagong Bocaue Municipal Compound sa Barangay Igulot ang mga kinatawan ng Local Government Unit (LGU) ng Bocaue, mga fireworks manufacturers at miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay BFP Chief Director Leonard Bañago, layunin nito na palakasin na ang kampanya laban sa fire hazards sa panahon ng holiday season kabilang ang tamang paggamit ng fireworks, paggawa, pagbenta at pag-imbak sa ligtas na lugar.
Nais din ng BFP na hindi na maulit pa muli ang nangyaring pagsabog sa isang firecracker store na nagdulot ng sunog sa Bocaue noong Oktobre 2016 na ikinasawi ng 2 katao at pagkasugat ng 24 na iba pa.