Manila, Philippines – Magpupulong sina Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde at Armed Forces of the Philippine Chief of Staff General Carlito Galvez Jr., kaugnay sa bantang Red October laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Albayalde, paplanstahin na nila ang seguridad na kanilang ipapatupad bilang pantapat sa ikinakasang Red October.
Pagtitiyak ni Albayalde, walang aktibong pulis na sumusuporta sa pagkilos na Red October at wala rin siyang naririnig na paghahayag ng pagsimpatya mula sa mga retiradong pulis.
Una nang ibinunyag ni AFP Assistant Deputy Chief of Staff for Operations Brig. Gen. Antonio Parlade ang balak ng koalisyon na patalsikin sa pamamagitan ng Red October ang Pangulo matapos hindi magtagumpay noong Setyembre 21.