Manila, Philippines – Inamin ni Senador Bam Aquino na totoong doble-kayod ang kinaaniban niyang Liberal Party o LP para makamit ang tagumpay sa 2019 senatorial elections.
Pahayag ito ni Aquino, makaraang sya lamang ang nag-iisa mula sa oposisyon ang napasama sa survey ng Pulse Asia para sa posibleng manalong senador sa 2019 elections.
Sa kabila nito, ay buo ang paniniwala Aquino na makikita ng publiko ang kahalagan na magkaroon ng mas maraming oposisyon sa senado para mas malakas ang pwersa kapag may kailangang tutulan o isulong na panukala.
Sa ngayon kasi ay anim ang bumubo sa Minority Bloc, kung saan nakakulong pa ang isang nilang kasama na si Senadora Leila de Lima.
Sabi ni Senator Aquino, bago ang Oktubre o ang filing ng Certificate of Candidacy ay makapaglabas na ng senatorial slate ang oposisyon.
Patuloy pa aniya ngayon ang pakikipag-usap ng LP sa mga non-traditional political groups para makabuo ng senatorial slate.
Inaasahan din ni Senator Bam na susuporta sa kanila sa panahon ng kampanya ang kanyang pinsan na si dating Pangulong Noynoy Aquino.