Manila, Philippines – Mahigpit na iinspeksyunin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga pagawaan ng paputok sa bansa ngayong nalalapit na Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, layunin nito na matiyak na nakakatalima ang mga firecracker manufacturer sa Occupational Safety and Health Standards (OSHS) para maiwasan ang aksidente.
Inaatasan din ng kalihim ang mga Labor Laws Compliance Officers (LLCOS) na tumulong sa mga establisimyento na makasunod sa mga itinatakda ng OSHS.
Pero kung hindi makakatalima ang mga establisimyento ng paputok, dapat mag-imbestiga ang mga labor law compliance officers kaugnay ng kanilang mga paglabag.
Inuutusan rin ang lahat ng DOLE regional offices na magsumite ng listahan ng mga nainspeksyon ng mga establisimyento ng paputok sa Bureau of Working Conditions sa December 28, 2018.