PAGHAHANDA | NCRPO, makikipagpulong sa iba’t-ibang grupo kaugnay ng ikatlong SONA ni Pangulong Duterte

Manila, Philippines – Makikipagpulong sa Miyerkules si NCRPO Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, kabilang sa iba’t-ibang grupo para sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 23.

Ayon kay Eleazar, pupulunging niya ang iba’t-ibang mga raliyista, Commission on Human Rights (CHR), barangay officials at iba pa para ilatag kung hanggang saang lugar papayagan ang mga magsagawa ng kilos-protesta.

Aniya, hahayaan ng NCRPO na makalapit sa Batasan Complex ang mga ito basta at hindi magdudulot ng gulo, hindi makaabala sa mga motorista at sa mga bisita sa SONA.


Hindi na rin aniya sila maghihigpit sa ‘no permit, no rally policy’ dahil malinaw ang utos ng Pangulo na hayaan ang mga ito na makapaglabas ng saloobin basta at tiyakin na magiging maayos at matiwasay lamang ito.

Maliban rito, sabi pa ni Eleazar, hindi na rin maglalagay ang mga pulis ng mga barb wire at mga container van sa Commonwealth Avenue para ipangharang sa mga raliyista.

Dagdag pa ni Eleazar, mga pulis galing sa Civil Disturbance Management (CMD) ang magbabantay sa lugar at paiiralin ang maximum tolerance.

Wala rin aniyang dadalhing mga armas ang mga tauhan ng CMD kundi batuta lamang.

Gayunman, may armas ang ibang pulis na security detail pero malayo aniya sa mga raliyista o sa mga nasa standby areas lamang.

Facebook Comments