Puspusan na ang paghahanda ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction And Management Office (PDRRMO) sa posibleng paglikas ng mga residenteng naninirahan malapit sa Bulkang Taal.
Noong nakaraang linggo ay nagpulong na ang lahat ng mga alkalde sa lalawigan para bumuo ng contingency plan.
Pero aminado si Batangas PDRRMO Chief Lito Castro na malaking hamon sa kanila ang paglilikas dahil na rin sa pandemya.
“Tuloy-tuloy po ang harmonization ng ating contingency plan at isa nga pong malaking hamon ‘yong evacuation because of the pandemic. Kasi ‘yong volume po ng mga lilikas na pupunta sa mga evacuation center hindi na po pwedeng ganong karami,” ani Castro sa interview ng RMN Manila.
“Nagpapasalamat po tayo sa mga kapitbahay nating probinsya like Cavite na nakahanda rin pong mag-accommodate ng ating mga kababayang ililikas,” dagdag niya.
Una nang tiniyak ng National Disaster Risk Reduction And Management Council (NDRRMC) na nakahanda na ang evacuation plan at relief support sakaling tumaas pa ang aktibidad ng Bulkang Taal.
Samantala, 51 volcanic earthquakes ang naitala sa bulkan sa nakalipas na 24 oras.
Naglalabas din ito ng usok na may taas na limang metro.