Pinatataasan pa ni Assistant Minority Leader at ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro ang efforts o mga hakbang ng gobyerno para sa paghahanda ng pagsisimula ng face-to-face classes.
Kasabay ng panawagang ito ay ang pagkadismaya ng kongresista dahil mula sa orihinal na 120 na mga paaralan na lalahok sa pilot testing ng limitadong face-to-face classes ay bumaba ito sa 30 na lamang na mga paaralan.
Binigyang-diin ng kongresista na kailangang higitan pa ng Department of Education (DepEd) ang paghahanda upang matiyak na lahat ng mga paaralan sa bansa ay mayroong tamang pasilidad para sa bentilasyon, sapat na distansya sa pagitan ng mga estudyante, hand washing facilities at iba pang mga health protocols nang sa gayon ay maging ligtas ang pagbubukas ng mga paaralan.
Hindi naman na ikinagulat ni Castro ang withdrawal ng mga paaralan sa face-to-face classes dahil na rin sa malaking pagkukulang ng gobyerno sa paghahanda sa balik-paaralan.
Nababahala ang mambabatas na kung tatagal pa na sarado ang maraming eskwelahan sa bansa ay tiyak na masasayang na naman ang taon dahil walang sapat na gabay mula sa mga guro at hindi maibibigay ang dekalidad na edukasyon sa mga kabataan.
Kinalampag ni Castro ang administrasyong Duterte na ibuhos ang suporta sa education system at bigyan ng sapat na pondo ang ahensya upang matugunan ang ligtas na pagbabalik sa mga paaralan.