Paghahanda ng learning modules sa MECQ areas, posibleng maantala, ayon sa DepEd

Inaasahan na ng Department of Education (DepEd) na posibleng makaapekto sa paghahanda ng mga eskwelahan pagdating sa reproduction at distribution ng learning modules ang pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, mayroong impact ang MECQ sa paghahanda ng mga paaralan sa darating na pasukan lalo na sa logistics.

Sinabi ni Briones na bibigyan ang mga apektadong eskwelahan ng karagdagang panahon para i-adjust ang kanilang activities sakaling maantala ang pag-iimprenta ng modules bunga ng restrictions at limitations ng dalawang linggong quarantine.


Sinabi naman ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, maaaring magsagawa ang mga adjustment para sa mga eskwelahang naapektuhan ang kanilang opening preparations dahil sa MECQ lalo na kung nais pa ng pamahalaan na palawigin ito.

Sakaling ma-delay ang pag-iimprenta ng modules, sinabi ni Education Undersecretary Diosdado San Antonio, ang schools at division offices ay binibigyan ng awtoridad na gamitin ang kanilang locally-developed Self-Learning Modules (SLM).

Pagtitiyak naman ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla na mayroong pondo para sa pag-iimprenta ng modules sa kabila ng mga ulat na may ilang guro ang gumagastos para sa module reproduction.

Sa ngayon, aabot na sa 23.01 milyon na estudyante ang naka-enroll para sa School Year (SY) 2020-2021.

Facebook Comments