Plantsado na ang mga paghahanda ng buong linya ng MRT-3 upang matiyak na ligtas, maayos at sapat na transportasyon para sa mga estudyanteng magbabalik-eskwela ngayong darating na Agosto 22.
Ayon kay MRT-3 General Manager Federico J. Canar Jr., prayoridad ng MRT-3 ang kapakanan at kaligtasan ng mga estudyante, gayon din ang makapagbigay ng komportable at abot-kayang serbisyo para sa kanila.
Paliwanag pa ni Canar, ang MRT-3 katuwang ang Department of Transportation (DOTr) ay magbibigay 20% fare discount sa mga estudyante sa buong oras ng operasyon.
Dagdag pa ng opisyal na upang makakuha ng 20% discount, kailangan lamang na magpakita ang estudyante ng student ID o orihinal na kopya ng enrolment o registration form sa pagbili ng single journey ticket sa mga ticketing booth.
Nasa 1,400 kada araw ang inaasahang bilang ng mga estudyanteng gagamit ng MRT-3 simula sa pasukan.
Sa kasalukuyan, aniya umaabot sa 300,000 na mga pasahero ang naisakay ng MRT-3 kada linggo.