Inihahanda na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ilalatag na seguridad para sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 27, 2020.
Ayon kay NCRPO Director Brigadier General Debold Sinas, ginagawa nila ang mga paghahanda sa kabila ng nararanasang COVID-19 pandemic.
Aniya, bagama’t may template na sila sa ilalatag na seguridad ay may mga idadagdag pa sila rito lalo’t isusunod ang paghahanda sa umiiral na new normal sa bansa.
Pero sa ngayon, naghihintay pa rin sila ng abiso mula sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at Malacañang kung saan gagawin ang SONA ng Pangulo.
Batay sa konstitusyon, dapat na inilalahad ng Pangulo ang kanyang SONA sa harap ng mga mambabatas sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
Pero dahil sa COVID-19 pandemic, inihayag ng Malacañang na posibleng gawin na lamang ito sa pamamagitan ng video streaming.