
Apektado na rin ng habagat ang paghahanda ng Senado para sa pagbubukas ng sesyon at sa nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos.
Matapos magpatupad ng “partial suspension” ang Senado, tuluyan nang hindi nakapasok ang ilang heads at mga empleyado ng ilang tanggapan na kailangan para sa paghahanda at pagbubukas ng first regular session ng 20th Congress sa Lunes, July 28.
Ang paligid ng Senado, sa kahabaan ng Diokno Boulevard, ay lubog sa baha kung saan malalaking sasakyan na lamang ang pwedeng makadaan.
Pinasok na rin ng baha ang loob ng gate ng Senado at ilan sa mga empleyadong pumasok ngayong araw ay hirap na ring makauwi sa mga oras na ito.
Sinabi naman ni Senate Secretary Renato Bantug Jr., na gagawin na lamang muna nila via Zoom ang mga preperasyon sa pagbubukas ng sesyon at sa SONA.
Malamang sa malamang din aniya ay aabutin ng hanggang weekend ang kanilang trabaho para matiyak na maayos ang magiging pagbabalik sesyon sa susunod na linggo.









