Manila, Philippines – Bilang paghahanda sa magiging bagong papel ng National Food Authority partikular ang pag focus na sa pamimili ng palay sa mga local farmers, iniutos ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang paglalagay ng mga drying facilities sa lahat ng NFA buying stations sa bansa.
Ayon sa kalihim, bawat buying station ay dapat mayroong pasilidad sa pagpapatuyo ng mga aning palay na alinsunod sa bio-mass dryers na idinisenyo ng PhilRice.
Mismong inatasan ni Secretary Piñol si NFA Acting Administrator Tomas Escarez na hanapan ng kaukulang pondo ang pagtatayo ng kinakailangang pasilidad.
Kasabay nito, iniutos din ng kalihim na ayusin at kumpunihin ang mga sira sirang warehouses ng NFA.
Sa pamamagitan nito, ayon kay Piñol, magiging handa na ang rice agency sa gagawin nitong buffer stocking para matiyak ang rice sufficiency ng bansa.