Bubuksan na sa publiko ang “Pagpupugay” para sa Poong Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand sa Maynila simula mamayang gabi.
Bagama’t alas-7:00 ng gabi pa rin ang opisyal na pagsisimula ng ‘Pagpupugay’ sa Itim na Nazareno, patuloy ang paghahanda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maglagay ng orange plastic barriers sa kahabaan ng Quirino Grandstand para magsilbing barikada.
Pagpupugay o pagtanaw lang ang pinapayagan para sa tradisyonal na pahalik sa Imahen ng Poong Itim na Nazareno.
Ito’y bilang pag-iingat pa rin sa banta ng COVID-19.
Bawal din hawakan ang Imahen pero puwede naman itong punusan ng panyo o bimpo.
Sa ngayon ay sarado na ang bahagi ng TM Kalaw patungong Grandstand na magsisilbing entrance ng mga deboto habang sa Katigbak Parkway naman ang exit.
Samantala, magsasagawa naman ng send-off ceremony sa Quirino Grandstand mamayang alas-4:00 ng hapon para sa mga kapulisang itatalaga sa Nazareno 2024.
Habang magdadaraos naman ng misa para sa mga volunteers mamayang alas-6:00 ng gabi.