
Nagsagawa ng surprise inspection si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Vigor Mendoza II sa ilang bus terminal sa Bacolod City bilang paghahanda sa nalalapit na Undas.
Ilan sa mga binisita ni Mendoza ang Ceres North Bus Terminal at Bacolod Northbound Terminal.
Ayon kay Mendoza, habang maaga pa lang ay kanilang tinutugunan ang mga kadalasang reklamo sa mga bus terminal.
Mula sa mga waiting area hanggang sa mga palikuran ay ininspeksyon ito ng LTFRB sa pangunguna ni Mendoza.
Samantala, binigyang-babala niya ang mga bus terminal na magiging regular ang pagsasagawa ng surprise inspection.
Iginiit ng LTFRB chairman na regular dapat ang isinasagawang inspeksyon para sa ikabubuti ng mga pasahero.
Matatandaang iniutos ni Mendoza sa mga regional director na magsagawa ng inspeksyon sa lahat ng bus at iba pang transport terminal bilang paghahanda sa pagtaas ng bilang ng mga pasahero ngayong Undas.









