Manila, Philippines – Nagtaas na ng full alert status ang Philippine Coast Guard (PCG) at lahat ng operating units nito bilang paghahanda sa dagsa ng mga biyahero sa mga pantalan ngayong Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Elson Hermogino, mahigpit ang mga isinasagawa nilang pre-departure inspections sa mga daungan para tiyakin na nasa tamang bilang ng indibidwal ang isasakay sa mga pampasaherong bangka.
Magkakaroon rin aniya ng mahigpit na pagbabantay sa mga lugar na dumodoble ang bilang ng pasahero kapag ganitong panahon gaya ng Cebu, Batangas, Iloilo, Bicol at Zamboanga.
Bukod dito, magdadagdag din ng mga tauhan na tutulong na magbantay sa seguridad para naman sa mga turistang dadagsa sa ilang sa mga tourist spots ng bansa gaya ng Boracay, Coron, Puerto Galera at Anilao.
Una nang nagpaalala ang PCG sa mga biyahero na iwasan na ang pagdadala ng mga ibinagbabawal na bagay sa mga pantalan para hindi maabala sa pagbiyahe.