Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na paigtingin pa ang mga hakbang para maiwasan ang malawakang pagbaha tulad ng nangyari sa malaking bahagi ng Luzon nang tumama ang Bagyong Carina at Habagat.
Sa ginanap na sectoral meeting, ipinag-utos ni PBBM sa mga ahensya ng pamahalaan na paghandaan ang La Niña phenomenon at tiyaking maipatutupad ang flood-control measures.
Nais ng pangulo na magkaroon ng mas maagap na pagpapalaganap ng early warnings, weather updates, at flood-risk forecasting.
Pinasusulong din ng pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang long-term at large-scale flood control plans at pagbutihin pa ang mga catch basins upang maiwasan ang mga pagbaha.
Maliban dito, muli ring iginiit ni Pangulong Marcos ang pangangailangang magtayo ng mas marami pang impounding projects bilang bahagi ng masterplan para sa flood management ng pamahalaan.