Inilatag na ng pamilya Aquino ang schedule ng funeral mass ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na sisimulan bukas ng alas-10:00 ng umaga sa Simbahan ng Gesu sa Ateneo de Manila University kung saan pangungunahan ni Archbishop Socrates Villegas, kasama ang iba pang pari ang Banal na Misa.
Pagkatapos ng Banal na Misa, ang urn ni dating Pangulong Aquino ay agad na aalis patungo sa Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque, kung saan siya ililibing katabi ng puntod ng kanyang mga magulang.
Nakiusap ang pamilya Aquino sa mga makikiisa sa convoy ng dating Pangulong Aquino na sumunod sa mahigpit na ipinatutupad na health protocol kung saan ang convoy ay dadaan sa C5 patungong South Luzon Expressway deretso sa Manila Memorial.
Nagpasalamat din ang pamilya Aquino sa lahat ng sambayanang Pilipino na nakidalamhati sa pagpanaw ng dating pangulo.