Sa naganap na Regular KBP Pangasinan Chapter Forum sa PIA Office, People’s Astrodome, Tapuac District, Dagupan City ay sumentro ang usapan sa gaganaping Region 1 Athletic Association o R1AA sa Ika-lima hanggang Ika-sampu ng Pebrero na ihohost ito ng LGU Alaminos City, Pangasinan.
Pinangunahan ni DepEd RO1 Sports Dir. Coach Edil Abalos ang programa sa pagbibigay ng mga impormasiyon ukol sa gaganaping aktibidades ng R1AA. Ayon kay Dr. Abalos magiging kapana-panabik ang mga laro na pinaghahandaan ng mga nasa humigit kumulang na 10,000 atleta mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon uno.
Bagamat malaking hamon sa working sports committee ng lungsod ang pagkakaroon ng marami pang dapat ayusin sa mga pasilidad na gagamitin, pagkain, at pinansiyal para sa R1AA siniguro naman ng LGU Alaminos City na magiging handa ang mga ito bago ang deadline.
Nabanggit ni Dr. Abalos ang ilan sa mga bagong sports na kasali sa R1AA tulad ng futsal, dancesports, pencak silat, at aero gymnastics. Ina-adopt din ng DepEd na silang nangunguna sa mga ganitong aktibidades ang Olympic Medal System para sa tally ng mga medalyang napapalunan ng bawat kuponan.
Ipinunto rin ni Dr. Abalos ang kahalagahan ng dasal, suporta, insentibo at ayudang pinansiyal mula lokal na gobyerno at eskwelahan para sa mga atletang makikilahok sa bawat sports competition na sangkap din sa pagiging matagumpay sa larangan ng sports.