Pinaghandaan ng Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag, sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Manaoag, ang taunang pagdiriwang ng Feast of Señor Santo Niño na inaasahang dadayuhin ng maraming deboto ngayong Linggo.
Nakikiisa ang parokya sa pagdiriwang bilang pagpapakita ng debosyon sa Batang Hesus—isang selebrasyong tanyag na ipinagdiriwang sa Cebu City at iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kasabay ng nalalapit na kapistahan, naging mabenta rin ang mga imahen at altar ng Santo Niño na ibinebenta ng mga vendor sa entrada ng simbahan.
Batay sa mga tindero, ang special o mas malaking imahen ng Santo Niño ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang isang libo’t walong daang piso (P1,800), habang ang mas maliliit na imahen ay mabibili sa presyong tatlong daan at limampung piso (P350).
Ayon pa kay Maricel, hindi umano lahat ng figurines na ibinebenta ay binabasbasan ng simbahan, lalo na ang mga may kasamang barya, prutas, o iba pang itinuturing na pampaswerte.
Samantala, ayon sa panayam ng IFM News Dagupan kay Manaoag Mayor Jeremy Rosario, suportado ng lokal na pamahalaan ang nasabing pagdiriwang, partikular sa aspeto ng seguridad at kaayusan upang matiyak ang kaligtasan ng mga deboto at turistang inaasahang dadagsa sa simbahan.
Patuloy namang pinaalalahanan ang publiko na panatilihin ang kaayusan at sumunod sa mga paalala ng mga awtoridad habang isinasagawa ang pagdiriwang. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










