Paghahanda sakaling patuloy na lumala ang tensyon sa West Philippine Sea, isinusulong ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan

Pinaghahanda na ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ang mga residente nito sakaling patuloy na lumala ang tensyon sa West Philippine Sea.

Sa isinagawang sesyon ng Sanggunian, tinalakay ang namataang mga Chinese warship sa Balabac, Palawan na nagdulot ng pangamba sa mga residente.

Kaugnay nito, naglatag ng mga katanungan si Board Member Hon. Rafael Ortega Jr., mula sa mga concerned group tungkol sa gagawing contingency plan, communication system at pagpapalikas sa mga residente.


Kasabay nito, nilinaw ni Ortega na wala silang intensyon na magsimula ng giyera.

“Muli, hindi po natin ginagawa ang bagay na ito para magsimula ng giyera. Kagaya po ng sinabi ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos, we are not here in the business to instigate wars.”

Samantala sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Palawan 1st District Provincial Board Member Anton Alvarez na umaasa silang walang magaganap na gulo sa kanilang isla.

“Sana naman hindi talaga. Syempre kumbaga hindi naman natin gugustuhin, pero kung sakali lang talagang mangyari eh at least magandang nang handa dahil ang Palawan ay medyo isla, kumbaga hindi nakadikit sa Metro Manila o sa Luzon sa mainland kaya kung sakaling mangyari at magpadala ng aid eh hindi naman agad-agad.”

Nito lamang Martes ay namataan din ang presensya ng “monster ship” o pinaka-malaking Coast Guard vessel ng China malapit sa El Nido, Palawan.

Facebook Comments