Paghahati sa apat na barangay sa Barangay Muzon sa San Jose Del Monte City ,isinusulong ni Congresswoman Rida Robes

Inihain na sa Kamara ni Congresswoman Florida “Rida” Robes ng San Jose del Monte (SJDM) City Bulacan ang panukalang paghahati ng Barangay Muzon sa apart (4) na barangay. Ito ang minumungkahi ng House Bill No. 2379. Ang Barangay Muzon ay magiging Barangay Muzon Proper, Barangay Muzon East, Barangay Muzon West, at Barangay Muzon South.

“Ang hakbang na ito ay magbibigay daan sa mas mabuting pamamahala at mas marami pang benepisyo sa ekonomiya ng SJDM,” sabi ni Congresswoman Robes. “Mas mapapadali ang pangangasiwa ng kada barangay sa paghahati na ito. Madadagdagan din ang mga local leaders na mabibigyan ng pagkakataon na magsilbi sa SJDM.”

Ang HB 2379 ay ikinatuwa ng grupong Pinoy Aksyon PH na nanawagan rin sa paghahati ng Barangay Muzon. Ayon sa tagapagsalita ng grupong si Em Ross Guangco ito ay bahagi ng kanilang adbokasiya na siguraduhin ang maayos na pamamalakad sa gobyerno. Pahayag n’ya, “Bilang mga mamamayan, may tungkulin tayo na ipaalam sa mga opisyal ng gobyerno kung ano ang ating mga saloobin. Maswerte kami sa pagkakataong ito dahil pnakinggan kami ni Congresswoman Robes at sang-ayon s’ya sa paghahati sa Barangay Muzon. Iisa ang layunin natin — ang kabuuang pag-alagwa ng ekonomiya ng San Jose del Monte.”


Dagdag ni Congresswoman Robes, “Kinagagalak ko na may mga grupo ng mga mamamayan sa SJDM na handang makipagtulungan sa LGUs para sa ikauunlad ng lahat. Ito ang kultura ng pagmamalasakit na gusto kong magpatuloy sa SJDM. Mas mapapadali ang misyon namin na gawing isang world-class na siyudad ang SJDM kung saan pinapalakas ang karapatan ng mga mamamayan na magkaroon ng boses sa pamamahala ng lungsod. Walang impossible kung sama-sama kaming iaaangat ang SJDM.”

Magsasagawa din ng survey ang grupong Pinoy Aksyon PH para makuha ang ang pulso ng mga residente ng Barangay Muzon.

 

Facebook Comments