Paghahatid ng mga doktor sa mga lugar na lubhang sinalanta ng Bagyong Rolly, gagawin ng PNP Maritime Group

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Camilo Cascolan ang PNP Maritime Group na maghatid ng mga doktor sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Rolly.

Ito ay matapos na paganahin ng Philippine Medical Association ang kanilang “doctors on boats” nationwide project.

Si PNP Chief Cascolan ang tumulong para mabuo ang “doctors on boats” project noong panahong nanalasa ang Typhoon Pablo.


Aalalay ang PNP sa mga doktor sa paghahatid ng emergency medical services, pagkain, tubig at relief goods sa mga lugar na isolated dahil sa baha, gamit ang mga speedboat ng maritime group.

Kasabay nito, inutos na rin ni PNP Chief sa Poilice Regional Office 7 na magpadala ng karagdagang tropa sa Bicol para tumulong sa Bicol PNP sa pamamahagi ng mga relief goods sa mga nasalanta ng Bagyong Rolly.

Sa ngayon sinabi pa ni Cascolan na inihahanda na rin ang mga relief supplies sa Camp Crame na ipapadala sa Region 4B, Region 3, Region 4A at Region 5.

Facebook Comments