Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya handang magkondena ng sinuman habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa apat na sundalong napatay ng mga pulis sa Jolo, Sulu.
Sa kanyang unang public appearance sa gitna ng COVID-19 pandemic sa Zamboanga City kagabi, ipinanawagan ni Pangulong Duterte sa mga sundalo at mga pulis na walang saysay ang maghiganti dahil hindi na maibabalik ang buhay ng apat na sundalo.
Nakiusap din ang Pangulo sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na huwag magtanim ng galit sa Philippine National Police (PNP).
Umaasa si Pangulong Duterte na lalabas din ang katotohanan sa ilalim ng pagsisiyasat ng NBI at may mananagot sa insidente.
Ipinunto rin ng Pangulo na ang tunay na kalaban ay ang mga teroristang Abu Sayaff at ang New People’s Army (NPA).