*Cauayan City, Isabela-* Inirereklamo ng kaaanak ng pasyente ang ilang miyembro ng Provincial Security Group (PSG) ng Cauayan District Hospital makaraang hindi siya papasukin sa loob mismo ng pagamutan noong lunes ng gabi.
Inihayag ni Nick Bagcal na residente ng Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela na hindi siya pinayagan na makapasok sa loob ng hospital upang magdala ng ilang mga gamit ng kanyang mag-ina dahil sa naconfine ang anak nitong 10 buwan na gulang subalit pilit pa rin pinapalabas ng nakatalagang guwardiya dahil sa umano’y patakaran na isang bantay lamang kada pasyente ang pinapayagan sa naturang ospital.
Sa panig naman ng pamunuan ng ospital, sinabi ni Ginoong Reygie Lopez, Administrative Officer ng Cauayan Distict Hospital, kanyang inamin na sila ay mahigpit sa pagpapatupad ng patakaran sa oras ng dalaw at bilang ng mga nagbabantay sa mga pasyente upang mas maayos at maiwasan ang dami ng bantay bawat pasyente.
Dagdag pa nito na nagbibigay sila ng konsiderasyon tulad sa nangyari kay Ginoong Bagcal.
Ipinagbabawal na rin ng pamunuan ang pagbebenta ng ilang paninda sa loob mismo ng pagamutan.
Hinikayat naman ni Ginoong Lopez ang Cauayeno na makipagtulungan para mas maisaayos ang ilang alituntunin ng ospital.
Sa ngayon ay may nakapaskil sa loob at labas ng hospital para sa oras ng pagbisita sa ilang pasyente na magsisimula ng 10:30- hanggang 12:30 ng tanghali at 5:30 hanggang 7:30 pagdating naman sa gabi.