
Isinusulong sa Senado ang paghihigpit sa paglalaan ng alokasyon, paggamit, at auditing ng confidential and intelligence funds (CIF).
Inihain ni Senator Kiko Pangilinan ang Senate Bill 227 o ang Confidential and Intelligence Funds Utilization and Accountability Act kung saan nililinaw na ang CIF ay para lamang sa mga kagawaran at unit ng gobyerno na may mandato ukol sa national security, peace and order, at intelligence gathering.
Ipagbabawal sa panukala ang paggamit ng CIF sa mga gawaing walang kinalaman sa pambansang seguridad at sa pagkalap ng intelligence information lalong lalo na kung gagamitin ito sa mga political activities.
Bibigyang poder ang Commission on Audit (COA) na magsagawa ng annual, random, at special audit sa mga dokumento at resibo para sa paggamit ng CIF.
Magiging responsibilidad ng head ng ahensya at disbursing officer ng ahensya ang wastong paggamit ng CIF at pag-report sa COA.
Ituturing na prima facie evidence ang misuse at misappropriation laban sa head agency at disbursing officer kapag walang maipakitang resibo o dokumento sa paggugol ng pondo at kapag hindi wasto ang paggamit nito.









