Paghihigpit sa bentahan ng alak at pagpapakita ng ID ng mga babaeng papasok sa mga hotels at motels, inirekomenda ng isang senador para mapigilan ang pagtaas ng teenage pregnancy

Iminungkahi ni Senator Raffy Tulfo na magkaroon ng ‘liquor license’ para sa mga tindahang nagbebenta ng alak.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, tinukoy ni Tulfo na maraming mga kabataang kababaihan ang nabubuntis dahil sa inuman at may mga kaso pa na naga-gang rape ang mga ito.

Ipinunto ng senador na kailangan ng lehislasyon para sa pagbebenta ng alak upang mapigilan o mabawasan ang paglobo sa bilang ng teenage pregnancy.


Sa suhestyon ni Tulfo, kapag ang tindahan o establisyimento ay lumabag at nagbenta ng alak sa menor de edad ay ‘forever’ ng kanselado ang lisensya nito at kapag nagpumilit pa ito na bentahan ng alak ang isang kabataan ay maaaring maharap ang mga ito sa parusang pagkakabilanggo.

Inirekomenda pa ni Tulfo na gawing mas mahigpit ang parusa sa mga ‘adults’ na bibili ng alak para sa mga minors.

Dagdag pa sa mungkahi ng senador ang striktong pagpapatupad ng mga rules sa mga hotels at motels kung saan ang mga babae ay dapat munang magpakita ng identification card (ID).

Dapat din aniyang mayroong CCTV sa registration area upang mamonitor na walang menor de edad na kaduda-dudang papasok sa mga hotels at motels.

Iginiit ni Tulfo na kailangan ng lehislasyon para rito upang mismong ang mga staff ng mga establisyimento ang mag-a-alerto sa mga otoridad sakaling may babaeng dadalhin sa mga hotels at motels na pasuray-suray, lasing, at hindi na kayang dalhin ang sarili.

Facebook Comments