Paghihigpit sa online gambling payment, suportado ng isang senador

Suportado ni Senator Sherwin Gatchalian ang paghihigpit ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa online gambling payment rules.

Sinabi ni Gatchalian, ang desisyong ito ng BSP ay nagpapakita ng agarang pangangailangan na mahigpit na i-regulate ang online gambling sa gitna ng nakakaalarmang pagdami ng kaso ng gambling addiction, lalo na sa kabataan.

Mahalagang hakbang din aniya ito para sa responsableng paggamit ng digital services at patunay rin ang nasabing hakbang para sa pangangailangan na i-regulate ang online gambling.

Ipinunto ni Gatchalian na ang paglalagay ng daily caps, time limits, at paggamit ng biometric verification sa mga transaksyon ay makatutulong para mabawasan ang mga kabataang nalululong sa online sugal.

Sa panukalang batas na unang inihain ni Gatchalian laban sa online gambling, iginiit niya rito ang pangangailangan ng mahigpit na safeguards gaya ng AMLC registration ng mga operators at proteksyon ng financial health.

Facebook Comments