Paghihigpit sa quarantine control points para mapigilan ang pagkalat ng Delta variant ng COVID-19, magpapatuloy ayon sa PNP

Bilin pa rin ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar sa lahat ng pulis na ipagpatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga protocol na inilatag ng gobyerno pangontra sa nagpapatuloy na banta ng COVID-19.

Ito ay kasunod ng babala ng Department of Health (DOH) sa publiko tungkol sa COVID-19 Delta variant na laganap na sa buong mundo.

Batay sa DOH, kailangang higpitan ang pagpapatupad ng border controls upang pigilan ang pagpasok ng mga bagong kaso ng variant na ito sa bansa at pagkalat nito sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.


Sinabi ni Eleazar, hindi lang mga pulis, kundi lahat ng mga Piipino ay may papel na dapat gampanan upang mapigilan ang pagkalat ng variant na ito.

Aniya makakaasa ang publiko na patuloy ang mahigpit na pagbabantay sa mga Quarantine Control Points, lalo na sa mga lugar kung saan may mataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19.

Hinikayat naman ni Eleazar ang publiko na maliban sa pagpapabakuna, magkaroon rin ng disiplina sa pagsunod sa mga health protocols na inilatag ng IATF.

Facebook Comments