Paghihirap ng mga pamilyang biktima ng drug-war, dapat matuldukan na

Iginiit ni outgoing Bayan Muna Party-list Rep. Ferdinand Gaite na panahon na para matuldukan ang paghihirap ng mga pamilyang humihingi ng hustisya para sa mga kaanak na pinaslang dahil sa ‘war on drugs’ ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang reaksyon ng mambabatas ay kaugnay na rin sa hiling ni International Criminal Court (ICC) Prosecutor Karim Khan na buksan muli ang pagsisiyasat sa mga pagpatay at iba pang paglabag sa mga karapatan sa ilalim ng kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

 

Ayon kay Gaite, ilang taon na ang lumipas matapos ang mga pagpaslang sa ilalim ng ‘drug war’ pero hanggang ngayon din ay patuloy ang paghingi ng hustisya ng mga pamilya ng biktima.


Kaya naman, panahon na aniya para wakasan na ang paghihirap at sakripisyo ng mga pamilya ng mga biktima at tuluyang panagutin ang responsable sa libo-libong napatay dahil sa iligal na droga.

Umapela si Gaite na mula sa 52 kaso ng pagpatay sa anti-drug operations ay masilip din ang nasa 6,000 kumpirmadong nasawi mula 2016 dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.

Umaasa ang kongresista na mabigyan na ng pagtatapos sa lalong madaling panahon ang mga kaso ng pagpatay sa ‘war on drugs’ ng gobyerno para mabigyan na rin ng inaasam na hustisya ang mga biktima.

Facebook Comments