Sisimulan na bukas ng Kamara ang deliberasyon sa committee level ng 2023 proposed national budget na nagkakahalaga ng 5.268-trillion pesos na ayon kay House Speaker Martin Romualdez ay tutugon sa epekto ng health crisis at pangangailangan ng mamamayan, pagbibigay ng trabaho at pagpapasigla sa ekonomiya.
Uumpisahan ito sa pamamagitan ng budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na kinabibilangan nina Budget Secretary Amenah Pangandaman, National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, Finance Secretary Benjamin Diokno at Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP Governor Felipe Medalla.
Tatalakayin ng DBCC ang sources of financing, expenditure levels at budget proposal ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Una rito ay binigyang diin ni Speaker Romualdez na sisikapin ng Kamara na matapos ang pagtalakay at deliberasyon sa 2023 proposed national budget bago mag-October 1.
Kaugnay nito ay tiniyak naman ni House Minority Leader Marcelino Libanan na gagawin nila ang parte nila para mapabilis ang pagpasa sa 2023 budget.
Tiniyak ni Libanan na hindi sila magiging obstructionist pero tutulong sila na mabusising mabuti ang budget at maisaalang-alang dito ang kapakanan ng mamamayang Pilipino.