Paghimok sa gobyerno na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC, isinulong sa Kamara

Nakahain ngayon sa House of Representatives ang House Resolution 1477 na humihikayat sa mga kinauukulang ahensya o departamento ng gobyerno na makipagtulungan nang lubos sa imbestigasyon ng International Criminal Court o ICC laban sa war on drugs na ikinasa ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

May-akda ng naturang resolusyon sina House Committtee on Human Rights Chairperson at Manila Rep. Benny Abante, at 1-RIDER Party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez.

Binigyang diin nina Abante at Gutierrez sa resolusyon ang itinatakda ng konstitusyon na dapat pahalagahan ng estado ang dignidad ng bawat isa at garantiyahan at irespeto ang karapatang-pantao ng mga Pilipino.


Magugunitang sa ilalim ng pamumuno ni former President Duterte ay kumalas ang Pilipinas sa ICC subalit para kina Abante at Gutierrez, malinaw na kinikilala pa rin natin ang ICC makaraang tayo ay umapelang ihinto nito ang imbestigasyon sa war on drugs.

Facebook Comments