Dumipensa si dating Health Secretary at Iloilo Rep. Janette Garin laban sa akusasyon sa kanya ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr.
Sa isang panayam ay sinabi ni Galvez na humingi ang kongresista ng alokasyon ng bakuna para sa kanyang probinsya matapos ang naunang pahayag naman ni Garin na tila nagiging palakasan na lamang ang pamamahagi ng bakuna.
Sa isang pulong balitaan, mariing itinanggi ni Garin na personal siyang humihingi ng bakuna at hindi rin siya nagde-demand na ilagay sa kanyang distrito ang mga bakuna.
Giit ng kongresista, ang kanyang mga naging apela mula pa noong umpisa ng vaccination program ay patas na distribusyon ng bakuna sa lahat ng mga syudad, munisipalidad at probinsya sa bansa.
Sinabi ng mambabatas na mismong si Sec. Galvez na ang nagsabing regular na ang pagdating ng mga bakuna kaya nararapat lamang na ngayon ay may malinaw ng figures o numero kung ilang doses ang matatanggap ng mga lungsod at probinsya sa bansa upang maiprograma ito nang maayos ng mga implementers na nasa ground.
Pero puna ni Garin na ang nangyayari ngayon ay kung kailan dumating ang bakuna ay saka pa lamang ito ina-allocate at depende pa ito kung may COVID-19 surge o mataas ang bilang ng mga namamatay.
Humingi naman ng paumanhin si Garin kay Galvez dahil nasa ospital pala ang vaccine czar nang maglabas ng mga pahayag ang kongresista.