Paghingi ng clearance sa DFA bago makapagbigay ng donasyon sa Pilipinas, tinuligsa ng isang mambabatas

Mariing kinondena ni Albay Rep. Edcel Lagman ang pahayag ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin na kailangan munang humingi ng clearance ng European countries sa ahensya bago magbigay ng donasyon sa Pilipinas.

 

Giit ni Lagman, hindi katanggap-tanggap ang banta ni Locsin na kakanselahin ang registration ng non-government organizations sa Securities and Exchange Commission kapag hindi sumunod sa kanyang utos.

 

Sang-ayon ito sa kontrobersyal na SEC memorandum number 15 na inilabas noong November 2018 kung saan nagtakda ng requirements sa NGOs na i-report ang natanggap na foreign donations.


 

Pero iginiit ni Lagman na sa inaprubahang Human Rights Defenders Bill ay nakasaad sa Section 7 ang karapatang mag-solicit, tumanggap at gumamit ng mga donasyon at ipinagbabawal ang pag-freeze rito ng anumang bangko o anumang financial institution.

 

Mababatid na hindi tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasa 380 million pesos na halaga ng donasyon mula sa EU sa gitna ng umano’y panghihimasok ng mga bansa sa kanyang war on drugs campaign.

Facebook Comments