Hindi pa napapanahon para sa ilang senador ang plano ng Department of Finance (DOF) na singilin ng kontribusyon ang mga military and uniformed personnel (MUP) para sa kanilang retirement pay.
Sa proposal ng DOF na reporma sa MUP pension system, hihingan na ng 5 percent na kontribusyon para sa kanilang retirement ang mga nasa aktibong serbisyo habang 9 percent naman na kontribusyon mula sa basic salary ang hihingiin para sa mga new entrants.
Kung si Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang tatanungin, ang 5% hanggang 9% na singil sa kontribusyon para sa retirement pay ay malaking bagay na sa isang sundalo o pulis na ang tanging pinagkukunan lang ng kanilang kita ay ang kanilang serbisyo.
Mabigat din aniya ito lalo na kung ang MUP ay may limang anak na mga nag-aaral pa, dependent din ang maybahay sa inaasahang sahod at nakaprenda pa ang ATM dahil sa mga advance na utang.
Ipinauubaya naman ni Dela Rosa kay National Defense Committee Chairman Senator Jinggoy Estrada kung ibabalik pa sa komite ang panukalang reporma sa MUP pension system na ngayon ay nakasalang na sa technical working group.
Samantala, sa panig naman ni Senator Robinhood Padilla, naniniwala siyang hindi pa napapanahon na hugutan ng pondo ang mga MUPs para sa kanilang retirement pay.
Aniya, kung dumating ang panahon na wala ng mga rebelde sa bansa at hindi na itinataya ng mga sundalo at pulis ang kanilang buhay ay saka lamang niyang masasabi na sumunod na sa panukala ng kalihim ng DOF.
Dagdag pa ni Padilla, kung nakakapaghugot ang gobyerno ng pera para sa ibang bagay ay huwag na munang pakialaman ang sweldo at sahod ng mga MUP.