Kulang ang paghingi ng paumanhin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa paglalabas nito ng maling impormasyon.
Ito ang sinabi ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate kaugnay sa inilabas na maling listahan ng mga umano’y napatay na alumni ng University of the Philippines (UP) dahil sa pagsapi sa New People’s Army (NPA).
Ayon kay Zarate, bagama’t mabuti ang paghingi ng paumanhin sa publiko mas mainam pa ring itigil na ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘red-tagging’ nito.
Habang kailangan ding makasuhan ang mga responsable sa mga nagpapakalat ng mga maling impormasyon dahil nagdudulot ito ng panganib sa buhay ng tao o organisasyong sangkot.
Babala pa ng kongresista, posibleng lumaganap ang pangha-harass sa mga guro, estudyante at mga kawani ng mga paaralan, na hindi malayong mauwi sa paglabag sa karapatang-pantao gaya ng nangyari noong panahon ng Martial Law.