Nakukulangan ang ilang mga kongresista mula sa Makabayan sa paghingi ng “sorry” o paumanhin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa inilabas na maling listahan ng mga umano’y napatay na alumni ng University of the Philippines (UP) dahil sa pagsapi sa New People’s Army (NPA).
Ayon kay Deputy Minority Leader Carlos Zarate, ayos naman ang public apology ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ngunit mas mainam kung matitigil na ang ginagawang red-tagging ng administrasyong Duterte.
Dagdag ni Zarate, kailangang makasuhan ang mga responsable sa mga nagpapakalat ng mga palyadong impormasyon at “fake news” na nagdudulot ng panganib sa buhay ng mga tao o mga organisasyon dahil sa mga maling akusasyon.
Sa panig naman ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, ipinapakita lamang ng mga maling impormasyon ng AFP kung ano ang mga posibleng mangyari kung hahayaang makapasok ang militar sa mga paaralan.
Babala ng kongresista, posibleng lumaganap ang pangha-harass sa mga guro, estudyante at mga kawani ng mga paaralan, at hindi malayong mauwi sa paglabag sa karapatang-pantao tulad na lamang sa nangyari noong panahon ng Martial Law.