
Hindi sapat ang paghingi ng paumanhin kung may nalabag na batas at nalinlang ang publiko.
Ito ang binigyang-diin ng Malacañang matapos humarap sa National Bureau of Investigation (NBI) ang vlogger na si Jack Argota kaugnay sa pagpapakalat ng umano’y pekeng medical record ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kalaunan ay humingi din ng tawad.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro, ang pagpapakalat ng maling impormasyon ay hindi basta pagkakamali na natatapos sa pagso-sorry.
May pananagutan aniya ang sinumang nagpapakalat ng maling impormasyon, lalo na kung nagdudulot ito ng kalituhan sa publiko.
Iginiit din ni Castro na hindi dapat ginagawang biro ang paglikha ng content kung ito ay may epekto sa tiwala at kaalaman ng mamamayan
Nasa NBI na rin aniya ang pagpapasya kung may sapat na basehan para sa pagsasampa ng kaso.










