Muling umapela si Senator Ramon Bong Revilla, Jr. sa Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH) na ikonsidera ang mga mungkahing ihinto na ang paggamit ng publiko ng face shield.
Ginawa ito ni Revilla kahit nagpasya na na ang IATF at DOH na huwag pagbigyan ang naunang mungkahi mula sa ilang Local Government officials na huwag ng pagsuotin ng face shield ang publiko.
Katwiran ni Revilla, walang solidong medical proof na epektibo ang face shield para pigilan ang pagkalat ng COVID-19 at marami din siyang nakakausap na doktor na nagdududang mas nakakasama pa ito dahil maaaring nakaka-obstruct sa ventilation.
“Marami tayong nakakausap na doktor na nagdududang mas nakakasama pa ito dahil maaaring nakaka-obstruct pa ang face shields sa ventilation,” ani Revilla.
Sabi pa ni Revilla, dagdag gastos din ito para sa mga gipit na mga Pilipino.
“And aside from these considerations, our cash-strapped kababayans are forced to shell-out much needed money for face shields which they could otherwise spend on necessities like food,” dagdag pa ng senador.
Diin pa ni Revilla, hindi rin kasama ang paggamit ng face shield sa minimum health standards na rekomendado ng World Health Organization (WHO) na ipinatutupad sa buong mundo.
“Ang recommended minimum health standards na rekomendado ng World Health Organization na kapwa ipinatutupad sa buong mundo – wala diyan ang paggamit ng face shields. Tayo lang ang nagpapatupad niyan,” sabi pa ni Revilla.
Mungkahi ni Revilla, ipagamit na lang amg face shield sa mga doktor, nurse, hospital workers at crematorium workers.