Manila, Philippines – Hindi maaapektuhan ang pagkakahirang sa Mislatel bilang 3rd Telco sa bansa kahit hindi makasunod ang Kongreso sa 90 araw na deadline upang aprubahan ang pagpili sa naturang kumpanya.
Sa isinagawang pagdinig, sinabi ni Senator Francis Joseph “Chiz” Escudero na hindi obligado ang Kongreso na habulin ang nasabing deadline.
Sinang-ayunan naman ito ng Department of Information Communications and Technology (DICT) at ng National Telecommunications Commission’s (NTC).
Tinanong ni Escudero si DICT acting Secretary Eliseo Rio, Jr. kung mapapasok ba ang pagkakahirang sa 3rd telco kung mabibigo ang Kongreso na aprubahan at magbigay ng go signal para sa pag-transfer.
Pero ani Rio, ang 90-days ay estimated lamang.
Sa ilalim ng Section 10 ng Memorandum Circular 09-09-2018 ng NTC, kailangang makuha ng Mislatel ang approval ng Kongreso upang maisagawa ang sale o transfer.
Sinabi ni Rio na ang congressional approval ay isa lamang sa mga requirement na kailangang maisumite ng Mislatel sa loob ng 90 araw na calendar days.
Kinumpirma din ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na hindi obligado ang Senado na mahabol ang deadline na nakatakda sa February 17, 2019.
Ayon kay Cordoba, kung ang Mislatel naman ay nakatugon sa lahat ng obligasyon ay maaring antayin ng gobyerno ang aksyon ng Kongreso na labas na sa kontrol ng Mislatel.